Tayo?

Bakit nga ba umaasa pa rin ako na mababalik ang dating tayo?
Minsan na rin akong nangamba kung minahal mo ba talaga ako.
O kung naging mahalaga rin ba ako sayo.
Dahil sa bawat minutong magkasama tayo
Laging nasa iba ang atensyon na hinihingi ko
Na para bang ika'y nasa dilim at ako'y nasa liwanag
Na kung titingnan ay mag-isa lang akong maaaninag
Hindi na tulad noon na nasa akin lang ang lahat ng gusto ko sayo.
O kung itatanong man, ako pa rin ba ang nilalaman ng puso mo?
Kung may nagawa man akong mali
O nasabing hindi kawili-wili
Patawarin mo ako.
Tayo nga ba talaga ang bida dito?
O ako lang ang umaasang storya natin ito?
O sinta, nasaan na nga ba ang dating ikaw?
Nasaan na nga ba ang taong puso ko'y pilit na hinihiyaw?
Bakit nag-iba ka na?
May isang araw na nakita kitang may kasamang iba
Na para bang lahat ng problema mo'y napawi sa mga ngiting isinusukli mo sa kanya.
Bakit sa iba ka na masaya?
Bakit hindi na sa akin o sinta?
Bakit hindi na ako ang dahilan ng kagiliw-giliw mong mga tawa?
Para bang sa isang iglap lang ay nagawa mong ibasura lahat ng alaala nating dalawa.
Na tayo ang masaya sa piling ng isa't-isa.
Na sa panahon ng kalungkutan at kasiyahan ay dadamayan kita.
Ngunit hindi na ngayon.
Iba na ang nilalaman ng puso mong naging pagmamay-ari ko noon.
Wala na ang binuo nating ikaw at ako.
Na para bang kahapon ay nasa alapaap ako kasama ang taong mahal ko.
Wala nang tayo.
Ipinangako ko sa sarili ko
Na ikaw ang una at huli kong hihingin sa Panginoon.
Na ikaw lang ang may karapatang magmahal sa puso kong nalumbay sa matagal na panahon.
Pero alam ko sa sarili ko
Na kahit katiting ay minahal mo rin ako
Na minsan ko na ring napangiti ang isang katulad mo
Ang katulad mo na hinangad ng simpleng taong katulad ko
Ngunit kailangan ko nang bitawan ang lahat
Kailangan ko nang bitawan lahat
Lahat ng bagay pati ang bagay na hindi dapat
Lahat ng iyong mga ngiti na nakatatak sa aking isipan
Dahil para nalang akong naghihintay na babalik ka pa
Minahal kita
At oo, Mahal parin kita
Pero sawang sawa na akong magpakatanga
Sawa na akong magbulag-bulagan sa mga panloloko mong hindi ko dapat pinaniwalaan
Sawa na akong umasa
Sawa na akong umasa na mamahalin mo pa rin ako
Sawang sawa na ako
Sawa na akong maniwala na hihintayin pa rin kita
Ngunit hindi na dapat
Masakit man kung iisipin ko
Na ang hiningi kong 'tayo' noon
Ay magiging alaala nalang ng panahon
At mahal, patawarin mo ako
Patawarin mo ako kung pinipilit ko pa rin na meron pa ring tayo.
At ang tayo na hiningi ko
Ay isa nalang larawan ng kahapon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento